Ang pag-ibig ay isang timpla ng tasa o baso ng kape.
Ang baso ang mundong para sa atin.
Ang lalake ang purong kape.
Ang babae ang krema.
Ang asukal ang nagpapatamis at nagpapasarap sa pagsasama sa iisang baso.
Ang tubig ang naghahalo sa lahat ng sangkap.
May iba na gusto ng purong kape lang. Sapat na mag-isa. Solo, walang kasama o katuwang.
May iba naman na kape at krema lang. Sapat na sila na makapagtayo lang ng pamilya, kahit di masyado masarap ang maging paghahalo.
May mga katulad kong gusto ang saktong timpla na may balanse ang kape, krema at asukal. Dahil kailangan naman talagang balanse at sakto lang ang mga bagay sa baso.
May iba na nagtitimpla at umiinom ng sobrang init na kape. Mapapaso at titigil sandali. Hihintaying lumamig ng konti habang pilit na inaalis ang init na naiwan sa dila. Wag kasing magmadali. Pag sobrang init, di din maganda.
May iba na hinahalo ang mainit at malamig na tubig kapag nagtitimpla. Ayun, nagiging sakto ang timpla. Medyo mainit pero di nakakapaso.
May iba na maligamgam na yung tubig pero pinilit pa rin magtimpla. Ayun, lumulutang yung mga powder na sangkap at di naayos yung timpla. Kailangan pang ihalo ng napakaraming beses para mawala yung lumulutang-lutang na powder substance. Tikman. Hindi ganun kasarap na katulad ng may sapat na mainit na tubig.
Gusto kong timpla yung sakto lang. Pero syempre, may kahiligan ako sa asukal kaya bahagyang matamis.
Kanya-kanyang panlasa lang yan. Gustong-gusto ko ang krema. Mahal ko ang asukal ko.
May nagbabalak na magtimpla ng isang baso. Hmm.
Teka, makapagtimpla nga muna.